Tarot - Hula nga Lang Ba?

tarot, hula, panghuhula, kapalaran, psychic, philippines

Nagsimula akong magbasa ng Tarot noong 2003, nang bigyan ako ng kaklase ko ng isang Tarot deck. Bagamat exposed na ako sa healing practices ng aking lola na isang manggagamot, wala akong ideya kung paano gamitin ang Tarot. Sa simula, sinusunod ko lang ang kutob ko dahil wala itong kasamang guidebook. Hindi ko muna ito ginamit dahil takot din ako na makita ang mga bagay na hindi ko gusto. Hanggang sa nag-decide akong isa-isa munang tiningnan ang mga baraha para bigyan ng sarili kong interpretations ang mga symbols na nakikita ko sa kanila.

Ang isa sa mga hindi ko makakalimutang predictions ko ay yung napahiya ako sa harap ng maraming estudyante. Nakita ko kasi na mapapahiya ako kung liliban ako sa CAT noon pero binalewala ko. Dahil sa katigasan ng ulo ko, pina-duck walk ako sa harap ng maraming kadete. Na-trauma talaga ako sa nangyari kaya iniiwasan ko nang ipagsawalang bahala ang mga nakikita ko sa baraha.

Ngunit habang tumatagal, hindi ko namamalayang hindi ko na lang ito ginagamit sa 'hula' lang.

Ang Nagmulat sa Akin sa Tunay na Purpose ng Tarot

Lumaki akong kapos sa buhay. Ang tatay ko, isang karpintero, ay walang regular na kita, at ang nanay ko ay madalas maospital dahil sa kaniyang sakit. Dumaan kami sa maraming pagsubok—nahinto ako sa kolehiyo, at biglaang pumanaw ang aking ama kaya sinalo ko ang pagiging padre de pamilya.

Sa gitna ng mga ito, ang Tarot ang naging kasangga ko. Ipinapakita nito sa akin kung ano ang unang hakbang upang makalaya ako sa cycle na nagpapahirap sa akin. Sa isang reading, sinabi nito na ang pagsusulat ang maaaring maging simula ng tagumpay ko. Sinubukan kong mag-apply sa isang digital marketing company na naghahanap ng writer noon kahit hindi ako graduate ng kolehiyo. Sa kabutihang palad, natanggap ako at na-promote sa pagiging isang manager pagkalipas ng isang taon.

Sapat Bang Tawagin na ito ay Panghuhula Lang?

Dahil determined ako noon na tulungan ang sarili ko at ang aking pamilya, at dahil mahilig talaga akong magbasa ng English novels at mag-journal simula pa noong high school, magaganda ang mensaheng ipinakita sa akin ng cards. Ang mga ito ang nagtulak sa akin na ituloy ang pag-aapply ko. Pero kung wala ang skills na kailangan ko para sa role na gusto ko, hindi magpapakita ng positive signs ang mga cards. Sa halip, ipapakita nito kung ano ang mga dapat kong gawin para mag-open ang path. Sa madaling salita, ipinapakita ng Tarot ang mga mangyayari (probability vs. guessing) base sa kasalukuyang sitwasyon at kondisyon natin.

Ang Tarot reading ay hindi simpleng hula lang—isa itong instrumento na tumutulong sa atin na ma-align ang ating energy sa mga bagay na gusto natin.